Plagiarism issue sa RSPC 2026, iniimbestigahan ng DepEd-III
Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) Region 3 ang umano’y plagiarism ng isa sa winning entries sa katatapos na Regional Schools Press Conference (RSPC) 2026 sa Baler, Aurora matapos umani ng samu’t saring reaksyon at komento sa social media.
Ayon sa Facebook post ni Ivan Licuanan Balmores, isang guro mula College of the Holy Spirit sa Tarlac, may malaking pagkakatulad ang nanalong entry ng San Jose del Monte Division sa Collaborative Desktop Publishing – Secondary (Filipino) ngayong taon sa kanilang entry noong RSPC 2025 na nasungkit ang 2nd place sa English category.

Ibinahagi rin ni Balmores ang kopya ng dalawang output at iginiit na may pagkakapareho ang layout, disenyo, at konsepto ng mga pahina na tila lampas na raw sa simpleng ‘inspirasyon’.
Ipinadala na raw nila ang concern sa mga kinauukulan, subalit wala raw silang natanggap a malinaw na tugon o aksyon.
Giit niya, hindi tungkol sa resulta ang isyu kundi ang pananagutan at integridad ng campus journalism.
Idinagdag ng guro na tinitingnan rin niya kung paano nakakuha ng access ang nagwaging division sa lumang entry, dahil ito ay opisyal na naisumite at dapat ay secure sa regional office.
Binigyang-diin ng guro na isang seryosong paglabag ang plagiarism sa etika ng pamamahayag at humihiling ng kaukulang aksyon para mapanatili ang integridad ng kompetisyon.
Samantala, sa kanilang opisyal na pahayag nitong Martes, April 7, sinabi ng DepEd Region 3 na natanggap na nila ang reklamo at ipinasa sa kanilang Legal Unit para sa masusing imbestigasyon.

Binigyang‑diin nila na susuriin ang lahat ng ebidensya at sisiguraduhin ang due process bago maglabas ng anumang desisyon.
Handa rin daw ang tanggapan na magpatupad ng kaukulang aksyon laban sa sinumang mapatutunayang lumabag sa mga alituntunin. #
