Pax Silica Hub, target lumikha ng libo-libong trabaho; iba’t ibang grupo, tutol sa plano
Isinusulong ng pamahalaan ang pagtatayo ng Pax Silica Industrial Hub sa New Clark City sa Tarlac na layong palakasin ang papel ang Pilipinas sa larangan ng artificial intelligence (AI), technology, at advanced manufacturing.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magiging bahagi ng Luzon Economic Corridor ang nasabing hub at magsisilbing sentro para sa AI at global technology value chain.
Inaasahang magdadala ang proyekto ng malalaking pamumuhunan at lilikha ng hanggang 190,000 high-quality jobs para sa mga Pinoy, kabilang ang mga engineer, researcher, computer science graduates, at iba pang skilled professionals.
“Additionally, a product of the 23-member strong and US-led Pax Silica Initiative, the Pax Silica Industrial Hub will create an eco-system that will have AI at its core. It will bring quality jobs to our people, accelerate our industrial competitiveness, and revitalize our economy,” ani Marcos.
Ayon naman sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), maaaring makaakit ang inisyatiba ng nasa $40 billion hanggang $70 billion na pamumuhunan kapag naisakatuparan.
Gayunman, ilang grupo ang nagpahayag ng pagtutol sa proyekto dahil sa pangamba sa posibleng epekto nito sa kalikasan, water supply, paggamit ng lupa, at kabuhayan ng mga komunidad sa paligid ng New Clark City.
Kinuwestyon ng ilang environmental groups ang malaking konsumo ng tubig at enerhiya na maaaring kailanganin ng mga pasilidad para sa AI, data centers, at advanced manufacturing. Nagbabala rin sila sa posibleng epekto nito sa mga magsasaka, katutubong komunidad, at biodiversity sa lugar.
Para naman kay Akbayan Partylist Representative Chel Diokno, dapat muna umanong pag-aralan ang pagtatayo ng nasabing hub.
“Tama bang minamadali ang Pax Silica? Kailangan muna ng tunay na konsultasyon sa mga lokal na komunidad, masusing pagsusuri sa epekto sa kalikasan, at kasiguruhang hindi tataas ang presyo ng ating tubig at kuryente,” ani Diokno sa kanyang Facebook post matapos ang SONA ni PBBM.
Sa kabila nito, iginiit naman ng pamahalaan na pag-aaralan ang mga posibleng epekto ng proyekto at sisiguraduhing susunod ito sa umiiral na environmental regulations.
Kasabay ng pagsusulong ng Pax Silica Hub, binanggit din ni Marcos ang potensyal ng Cagayan bilang maging gateway ng bansa sa space industry at ang plano para sa unang spaceport sa Pilipinas, kabilang ang nakatakdang sounding rocket launch test sa 2027 katuwang ang isang South Korean aerospace company. #
