Mga “achievement” ng gobyerno, tinuligsa bago ang 5th SONA ni PBBM
Ilang oras bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Lunes, July 27, nagsagawa ng kilos-protesta ang grupong KILUSAN para sa Pambansang Demokrasya sa Recto, Maynila.

Ito ay para tuligsain ang umano’y “success stories” at “achievement” ng pamahalaan at upang ipanawagan ang pagtugon sa lumalalang krisis sa kabuhayan at ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon sa grupo, hindi dapat magpalinlang ang publiko sa mga tagumpay ng administrasyon na inilahad sa SONA habang nananatili namang mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.



Iginiit nila na nasa ₱51 hanggang ₱60 o higit pa ang bawat kilo ang presyo ng bigas, habang nasa ₱70 hanggang ₱71 kada litro ang gasolina at higit ₱80 kada litro ang diesel, na anila’y nagpapahirap sa mga tsuper, magsasaka at mangingisda.
Binigyang-diin din ng KILUSAN ang usapin ng kahirapan at trabaho. Ayon sa grupo, nasa 17 milyong Pilipino o 14.4% ang nakararanas ng matinding gutom, 2.41 milyon ang walang trabaho, at 21.2 milyong Pilipino ang underemployed o napipilitang maghanap ng dagdag na pagkakakitaan dahil hindi sapat ang kanilang kinikita.
Tinuligsa rin ng grupo ang anila’y mabagal at hindi sapat na pagtataas ng sahod. Binanggit nila ang ipinatupad na ₱85 wage hike sa National Capital Region (NCR), na ayon sa kanila ay hindi pa rin sapat upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Nanawagan ang KILUSAN sa publiko na maging mapanuri sa nilalaman ng SONA at makiisa sa pagsusulong ng mga panawagang tugunan ang totoong suliraning kinakaharap ng mga Pilipino. #
