Panukalang gawing regular holiday ang EDSA commemoration, isinusulong sa Kamara
Pormal na inihain nina Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno at iba pang mambabatas ang House Bill No. 7911 upang gawing isang “regular holiday” ang February 25 ng bawat taon.
Layon ng panukala na opisyal na itala sa kalendaryo ang EDSA People Power Day bilang pag-alala sa makasaysayan at mapayapang rebolusyon noong 1986 na nagpatalsik sa diktadurang Marcos, Sr. at nagbalik ng demokrasya sa Pilipinas.
Ayon sa grupo, mahalagang gawing permanenteng holiday ang nabanggit na araw upang hindi malimutan ng mga susunod na henerasyon ang kasaysayan at ang halaga ng pagkakaisa ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng nasabing bill, ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang itatalagang lead agency para sa pagsusulong ng iba’t ibang commemorative at educational activities.
Taong 2023, isang taon matapos mahalal bilang presidente ng Pilipinas, nang tanggalin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang paggunita sa EDSA People Power bilang public holiday. #
