Pangamba sa Pax Silica, inihayag ng BAYAN GL
Tutol ang BAYAN Gitnang Luson sa Pax Silica project dahil umano sa magiging epekto nito sa mga katutubo, magsasaka, at kalikasan sa Central Luzon.
Sa panayam ng CLTV36 News, sinabi ni BAYAN Gitnang Luson spokesperson Eco Dangla na matagal nang nakararanas ng dislokasyon at paghihigpit ang mga Aeta at magsasaka sa Capas, Tarlac, at maaari pa umano itong lumala kapag naipatupad ang proyekto.
Ayon kay Dangla, magdudulot umano ang Pax Silica ng mas maraming pagpapalayas, paglabag sa karapatang pantao at economic displacement.
Ipinahayag din niya ang pangamba sa posibleng pagmimina sa kabundukan at iginiit na bagama’t lilikha ito ng trabaho, mababa lamang umano ang sahod kumpara sa kikitain ng mga dayuhang korporasyon.
Nanawagan ang BAYAN Gitnang Luson sa publiko na tutulan ang proyekto, dahil ayon sa grupo, hindi ito magsisilbi sa interes ng mga Pilipino.
Samantala, ayon sa pamahalaan, inaasahang makalilikha ang Pax Silica ng libo-libong trabaho, makahihikayat ng bilyong pisong pamumuhunan sa semiconductor at data infrastructure, at magpapalakas sa posisyon ng Pilipinas sa high-tech manufacturing at digital economy. #

