Pagprotekta sa kalikasan at karapatang pantao, panawagan ng iba’t ibang grupo
Sinabayan ng isang kilos-protesta ang paggunita ng Miyerkules Santo ng ilang environmental at people’s groups sa harap ng Bataan Refinery Complex sa Sitio Carbon, Brgy. Lamao, Limay, Bataan nitong April 1.
Sa aktibidad na tinawag na “Kalbaryo ng Kalikasan at Mamamayan,” nagsagawa ang mga kalahok ng simbolikong paglalakad na inihalintulad sa daang krus upang ipakita umano ang nararanasang paghihirap ng mga komunidad na malapit sa coal plant.

Ibinida ng mga grupo ang mga isyung kanilang iniuugnay sa operasyon ng planta, kabilang ang polusyon sa hangin, epekto sa kalusugan ng residente, at pinsala sa kapaligiran. Anila, matagal nang dinaranas ng mga nakatira sa lugar ang alikabok, usok, at iba pang perwisyong dulot umano ng operasyon nito.
“Habang kumikita ang kumpanya ng coal plant, sino ang nagsasakripisyo? Kaming nasa komunidad ang sumasalo ng mga pasakit. Nananawagan po kami sa mga may-ari ng mga plantang ito na tiyakin na ang kanilang operasyon ay hindi lumalabag sa karapatan namin magkaroon ng malinis na hangin at ligtas na kapaligiran,” ani Cheryl Magracia, Presidente ng Limay Concerned Citizens Inc. at kasapi ng Nuclear/Coal-Free Bataan Movement.

“Dapat din isipin ng mga korporasyon tulad ng San Miguel Consolidated Power Holdings na hindi lang negosyo ang kanilang dapat na pahalagahan lalo na ngayong nasa krisis ang mundo at apektado ang bansa. Dapat iniisip rin nila ang kagalingan ng mga komunidad na naapektuhan ang pamumuhay at kalusugan. Mahirap magkasakit, paano sila mananagot sa mamamayan?” giit ni Enrique Beren, Secretary General ng YoungBEAN.
Kasabay nito, iniuugnay rin ng mga nagprotesta ang hirap ng mamamayan sa tumataas na presyo ng langis at bilihin, na pinalala umano ng tensyon sa Middle East. Nanawagan sila sa pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang pasanin ng consumers.
Sa huli, iginiit ng mga organizer na kinakailangang tugunan agad ang pinagsamang krisis sa kalikasan at kabuhayan upang maiwasan ang mas matinding epekto sa mga komunidad, lalo na sa mga maralita. #
