NBI driver, itinuturong suspek sa shooting incident sa Senado
Isang 44-anyos na lalaking empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang itinuturong suspek sa nangyaring pamamaril sa loob ng Senate building sa Pasay City gabi nitong Miyerkules, May 13.
Kinilala siya ng Southern Police District sa alyas na “Mel Oragon,” na nagtatrabaho umano bilang driver ng NBI.
Batay sa paunang imbestigasyon, pumasok umano ang suspek sa GSIS Compound at doon nagpaputok ng ilang beses gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril sa loob ng gusali ng Senado.
Nagdulot ito ng tensyon at takot sa mga empleyado, opisyal, at iba pang tao na nasa lugar.
Agad namang naagapan ng Senate Security Detachment ang insidente at nasakote ang suspek sa loob mismo ng gusali.
Kasunod nito, isinailalim na rin siya sa paraffin test at karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye at posibleng motibo.
Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanya kabilang ang paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, alarms and scandals, grave threats, at direct assault.
Samantala, naka-full alert status ang Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang seguridad kasunod ng insidente sa Senado.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga otoridad habang inaalam kung may iba pang sangkot sa pamamaril. #
