Pag-divest ni Mayor Lacson sa Kingsmen, kinuwestiyon sa Senado; posibleng conflict of interest, sinisilip
Iginiit ni Magalang, Pampanga Mayor Malu Paras-Lacson na ganap na niyang naibenta o na-divest ang lahat ng kanyang shares at interes sa Kingsmen Manpower and General Services bago pa man siya maupo sa pwesto noong 2022.
Ginawa ng alkalde ang pahayag nitong Biyernes, September 11, matapos siyang humarap bilang resource person sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros hinggil sa estado ng domestic steel industry sa bansa.
Ayon kay Lacson, itinatag ang Kingsmen noong October 2019, matapos matalo sa halalan noong Mayo ng taong iyon. Hindi rin daw naging operational ang kumpanya dahil sa pandemya at wala ring naging commercial contract sa alinmang pribado o government entity bago niya isinagawa ang divestment noong May 25, 2022.
Subalit kinwestiyon ni Hontiveros ang pahayag ng alkalde matapos ipakita ang 2026 General Information Sheet (GIS) ng Kingsmen mula sa Securities and Exchange Commission (SEC). Sa naturang dokumento, nananatiling nakalagay ang pangalan ni Lacson bilang may-ari ng mga share sa kumpanya, kasama ang kanyang bayaw na si Norman Lacson.
Kinuwestiyon din ng senador kung bakit kailangan pang mag-divest kung talagang hindi naman naging operational ang kumpanya.
Depensa ng alkalde, posibleng nagkaroon lamang ng “administrative oversight” ang kanilang staff sa pag-a-update ng corporate filings sa SEC. Ipinaliwanag niya na kasalukuyan pa nilang inaayos ang mga kaukulang dokumento para maipakitang wala na siyang anumang interes o pagmamay-ari sa naturang agency.
Binigyang-diin naman ni Hontiveros na ang mismong pagtatag ng kumpanya habang o bago man humawak ng pampublikong tungkulin ay kailangang busisiin laban sa isyu ng conflict of interest.
Ang Kingsmen ay iniuugnay sa pagsu-supply ng mga manggagawa sa Chuangxing Steel, Inc. sa Magalang. Ang planta ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado dahil sa mga reklamo ng mga dating manggagawa kaugnay ng unsafe working conditions at iba pang labor concerns.
Bilang hakbang sa imbestigasyon, hihingan daw ng Senador ng direktang paglilinaw ang SEC at hihilingin ang mga nakalipas na GIS ng Kingsmen mula 2023 hanggang 2025 upang suriin kung nagtutugma ang mga sinumpaang pahayag ng alkalde sa mga opisyal na papeles ng pamahalaan. #
