VAT sa system loss charge, inalis ng BIR

Tinanggal na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Value-Added Tax o VAT sa allowable system loss charge na pasok sa cap na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa Revenue Memorandum Circular No. 97-2026 na inilabas nitong Lunes, September 14, sinabi ng BIR na hindi na isasama sa gross sales para sa VAT purposes ang allowable system loss dahil itinuturing itong government-mandated pass-through cost. Dahil dito, hindi na ito papatawan ng output VAT.
Matatandaang ito rin ang isa sa mga isyung binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang 5th State of the Nation Address noong July.
Nanawagan ang Pangulo sa Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA upang hindi na raw ipasa sa consumers ang system loss, pati ang VAT na nakakabit dito.
Ayon kay Marcos, hindi umano dapat consumers ang sumagot sa system losses dahil hindi naman daw sila ang dahilan ng pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution.
Iniuugnay rin niya ang pagtanggal nito sa layunin ng pamahalaang mapababa ang mataas na presyo ng kuryente.
Pero malinaw na VAT lamang ang tinanggal ng bagong BIR circular at hindi ang mismong system loss charge. Mananatili pa rin ang allowable system loss charge sa ilalim ng kasalukuyang rules, ngunit hindi na ito papatawan pa ng buwis.
Samantala, kailangan namang hiwalay na nakasaad ang allowable system loss charge sa billing statement ng mga consumer.
Inaatasan din ang generation companies, National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, distribution utilities, electric cooperatives at iba pang apektadong taxpayers na tiyakin ang tamang billing, accounting at reporting.
Hindi naman sakop ng nasabing VAT exclusion ang income tax at kaukulang creditable withholding tax, ayon sa BIR. #
