Motorcycle taxis, pasok na sa PUV classification; LTFRB, magpapatupad ng masusing regulasyon
Opisyal nang kinikilala bilang Public Utility Vehicle o PUV ang motorcycle taxis alinsunod sa inilabas na interim guidelines ng Department of Transportation (DOTr) sa ilalim ng Department Order No. 2026-006.
Kaugnay niyan, inilalagay na ito sa direktang regulasyon at pangangasiwa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Habang hinihintay naman na maging permanenteng batas mula sa Kongreso, maaari nang bumuo ang LTFRB ng Implementing Rules and Regulations kabilang ang fare regulation, rider accreditation, safety compliance, anti-colorum operations, at monitoring ng ride-hailing motorcycle platforms.
Ayon sa DOTr, kailangan ang agarang regulasyon dahil naging malaking bahagi na ng urban mobility ang motorcycle taxis lalo na sa matinding traffic situation sa Metro Manila at iba pang highly urbanized areas.
Pero kasabay nito, kinikilala rin ng gobyerno ang unique safety risks ng motorcycle taxis kaya magkakaroon ng mas mahigpit na training, insurance, emergency hotline, at periodic drug at alcohol testing sa riders.
Sa ilalim ng kautusan, tanging operators na bahagi ng dating Motorcycle Taxi Pilot Study ang papayagang magpatuloy ng operasyon habang hinihintay ang national law. May kapangyarihan din ang LTFRB na suspendihin o bawiin ang accreditation ng operators na lalabag sa itatakdang regulasyon.
Samantala, tinitingnan din ang posibilidad ng expansion sa mga bagong lugar kabilang ang highly urbanized growth corridors basta’t may commuter demand, local government endorsement, at public consultation.
Nanatiling malaking usapin ito sa Central Luzon lalo na sa Angeles City, Clark, Mabalacat City, at City of San Fernando sa Pampanga kung saan tumitindi rin ang demand sa alternative transport systems kasabay ng paglobo ng workforce at urban mobility challenges.
Sa ngayon, hinihintay na lang ang implementing memorandum circular ng LTFRB na inaasahang ilalabas sa loob ng 60 days upang tuluyang maipatupad ang guidelines sa regional level. #
