Fresh grads, maaaring makatanggap ng ₱5,000 cash aid sa ilalim ng panukalang batas

Isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang batas na magbibigay ng one-time ₱5,000 cash assistance sa mga fresh graduate ng tertiary education upang makatulong sa paghahanap nila ng trabaho.
Nakahain at nakatakda nang talakayin ng mga kaukulang komite sa Senado ang Senate Bill No. 1961 o ang “Fresh Graduates ₱5,000 One-Time Cash Grant Act of 2026” na akda ni Senator JV Ejercito.
Sa ilalim ng panukala, pwedeng mabigyan ng agarang financial support ang mga fresh graduate habang naghahanap ng mapapasukang trabaho, lalo na sa gitna ng tumataas na gastusin sa pag-aapply.
Ayon kay Ejercito, maraming bagong graduate ang nahaharap sa gastusin para sa pamasahe sa job interviews, pagpi-print ng resume at iba pang requirements, pati na rin sa paghahanda ng disenteng kasuotan para sa aplikasyon.
Binigyang-diin din umano nito na bukod sa kakulangan ng job opportunities, isa rin sa mga hamon ang hindi pagtutugma ng kasanayan ng mga nagtapos sa mga bakanteng posisyon sa labor market.
Batay sa datos na binanggit sa panukala, tumaas umano ang bilang ng unemployed college graduates noong 2025 dahilan upang higit na makita ang pangangailangan para sa dagdag na suporta mula sa pamahalaan.
Bagama’t mayroon nang Republic Act No. 11261 o ang “First Time Jobseekers Assistance Act” na nagbibigay ng libreng pagkuha ng ilang government documents, nais ng panukala na mas palawakin ang tulong sa pamamagitan ng direktang cash grant.
Kapag naisabatas, maaaring makuha ng mga kwalipikadong graduate ang benepisyo sa pamamagitan ng pagpapakita ng katibayan ng pagtatapos tulad ng diploma o sertipikasyon mula sa kanilang paaralan. #
