Mga prayoridad ng Marcos admin sa huling dalawang taon, inilatag sa 5th SONA

Inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon sa nalalabing dalawang taon ng panunungkulan sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, July 27.
Sa kanyang taunang ulat sa bayan na tumagal ng isang oras at 26 na minuto, binigyang-diin ng Pangulo ang kampanya laban sa korapsyon, pagpapagaan ng gastusin ng mga Pilipino, at pagpapatatag ng seguridad ng bansa.
Anti-corruption efforts
Sinimulan ni PBBM ang kanyang talumpati sa pagtalakay sa isinasagawang imbestigasyon laban sa mga umano’y sangkot sa iregularidad sa mga proyekto sa flood control.
Aniya, may mga kaso nang isinampa laban sa ilang kontratista, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga mambabatas. Nakatakda na rin umanong sampahan ng kaso ang kanyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez, batay sa isinagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.
Iniulat din ni Marcos na bilyon-bilyong pisong halaga ng mga umano’y ill-gotten wealth at iba pang ari-arian ang na-recover, na-freeze, o napreserba ng pamahalaan, habang ang ilang bahagi nito ay naibalik na sa National Treasury.
Energy security and inflation relief
Sa usapin ng ekonomiya, inihayag ng Pangulo ang mga hakbang ng gobyerno upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East. Kabilang dito ang fuel subsidy, pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa LPG at kerosene, at mga hakbang upang mabawasan ang singil sa kuryente ng mga consumer.
Hinimok din niya ang Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang systems loss charges at value-added tax (VAT) na ipinapasa sa mga consumer.
Isinusulong din ng administrasyon ang panukalang “Sariling Kuryente” Act upang mas mapadali ang paggamit ng solar energy sa mga kabahayan.
Food security and agriculture
Sa sektor ng agrikultura, sinabi ni Marcos na nagpapatuloy ang mga programa para sa murang bigas, pagpapalawak ng KADIWA Centers, at pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa mga benepisyaryo ng agrarian reform.
Binanggit din niya ang pagpapalawak ng crop insurance at target na pagtatanim ng mas maraming puno ng niyog bago matapos ang kanyang termino.
Infrastructure and modernization
Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang patuloy na pagpapatupad ng malalaking infrastructure projects, kabilang ang North-South Commuter Railway (NSCR), MRT-7, at Cebu Bus Rapid Transit.
Aniya, bahagi rin ng modernisasyon ng bansa ang pagsusulong ng paggamit ng electric vehicles pagsapit ng taong 2040 at ang paghahanda ng Cagayan bilang sentro ng space-related activities.
Social protection and labor
Sa larangan ng social protection, iniulat ni Marcos ang patuloy na pagpapatayo ng mga pabahay sa ilalim ng 4PH Program, pagtaas ng housing loan limit ng Pag-IBIG Fund, at pagbibigay ng tulong sa libo-libong Overseas Filipino Workers (OFW) na naapektuhan ng kaguluhan sa Middle East.
Education and youth protection
Binigyang-pansin din ni PBBM ang edukasyon sa pamamagitan ng pagsasama ng technical-vocational education sa Senior High School, pagpapalawak ng AI literacy training, at pagdaragdag ng mga school counselor associates upang tugunan ang bullying at mental health concerns ng mga estudyante.
Health and medical assistance
Sa sektor ng kalusugan, sinabi niyang mas pinalawak ang access sa mga libreng gamot at serbisyong medikal sa ilalim ng YAKAP at Gamot Programs. Binanggit din niya na mas pinadali ang paghingi ng medical assistance sa pamamagitan ng eGovPH app nang hindi na kinakailangan ang endorsement mula sa mga pulitiko.
Foreign relations and sovereignty
Sa usaping panlabas, iginiit ni Marcos na patuloy na palalakasin ng Pilipinas ang ugnayan nito sa iba’t ibang bansa sa tulong ng mga kasunduang pangkalakalan.
Mananatili rin daw na matatag ang posisyon ng pamahalaan sa pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng mapayapa at legal na paraan.
Sa huling bahagi ng kanyang SONA, nanawagan ang Pangulo ng pagkakaisa upang maipagpatuloy ang mga reporma at matapos ang mga proyektong sinimulan ng kanyang administrasyon.
Aniya, layunin ng pamahalaan na maihatid ang isang mas matatag, mas maunlad, at mas ligtas na kinabukasan para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino bago matapos ang kanyang termino sa 2028.
###
