Mga OFW sa Middle East, pinayuhang iwasan ang pag-post ng missile attack content online
Nagpaalala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na iwasan ang pagpo-post o pagbabahagi ng mga larawan, video, at iba pang online content kaugnay ng mga pag-atake sa kanilang host countries sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East.
Ayon sa ahensya, inilabas ang paalala matapos maaresto ang ilang OFWs sa United Arab Emirates (UAE) dahil umano sa pag-upload ng mga video ng mga nangyaring missile attacks sa social media.
Binigyang-diin ng DMW na mahalagang sumunod ang mga manggagawa sa umiiral na security protocols at batas ng kanilang pinagtatrabahuhang bansa.
Nauna nang kinumpirma ng Philippine Embassy sa UAE ang pagkakaaresto ng dalawang OFWs at ang kasalukuyan nilang kinaroroonan.
Humiling na ang embahada ng consular visit habang patuloy ang pagbibigay ng legal assistance sa mga naarestong OFWs. Nakipag-ugnayan na rin umano ang Migrant Workers Office sa Abu Dhabi sa mga pamilya ng mga apektadong Pilipino upang ipabatid ang suporta ng gobyerno.
Samantala, nauna nang inanunsyo ng UAE Attorney General’s Office na may kabuuang 25 indibidwal mula sa iba’t ibang nasyonalidad ang nahaharap sa agarang paglilitis matapos magbahagi ng mga imahe ng kaguluhan online.
Paliwanag ng mga otoridad, maaaring magdulot ng takot sa publiko at makompromiso ang seguridad ng bansa dahil sa ganitong mga post. #
