Mga debotong umaakyat sa Banal na Bundok, kumonti ngayong taon
Ramdam ang epekto ng krisis sa langis sa mga deboto ng Banal na Bundok ngayong Miyerkules Santo, April 1. Kapansin-pansin ang matumal na pagdating ng mga namamanata kumpara sa mga nakaraang taon kung saan dinarayo ang lugar ng libo-libong pilgrims tuwing Semana Santa.

Ayon sa ilang nakausap ng CLTV36 News na local tourist guide at mga food stall owner, maihahambing umano ang sitwasyon ngayon sa panahon ng pandemya. Anila, limitado ang galaw ng mga deboto dahil sa mataas na presyo ng langis, dahilan upang mabawasan hindi lamang ang mga lokal na bisita kundi pati na rin ang mga nanggagaling sa ibang lugar gaya ng National Capital Region.
Ang Banal na Bundok ay isang kilalang pilgrimage site sa bayan ng Magalang, partikular sa Barangay Ayala, na dinarayo tuwing Kuwaresma. Tampok sa lugar ang “Dalan ning Krus” o Stations of the Cross na binubuo ng mga life-sized na rebulto na nakaayos paakyat ng bundok. Sa kabuuan, may 14 na istasyon na dinadaanan ng mga deboto sa humigit-kumulang 1.6 kilometrong akyatan.

Matatagpuan din sa loob ng site ang ilang religious structures tulad ng maliliit na kapilya, mga altar para sa panalangin, at isang mataas na bahagi kung saan makikita ang krus na nagsisilbing huling destinasyon ng mga umaakyat. Sa bawat istasyon, humihinto ang mga deboto upang magdasal, magnilay, at alalahanin ang paghihirap ni Hesukristo.
Sa kabila ng mas kaunting bilang ng mga umaakyat, nananatili ang debosyon ng mga dumadalaw. Patuloy pa rin ang pagdarasal at pag-aalay ng sakripisyo ng mga deboto, bagama’t mas tahimik at mas personal ang paggunita ng Semana Santa ngayong taon.
Samantala, inaasahan na posibleng dumami pa ang bilang ng mga pilgrims sa mga susunod na araw, lalo na pagsapit ng Huwebes at Biyernes Santo, kung kailan tradisyunal na rurok ng mga daragsa sa Banal na Bundok. Gayunpaman, nananatiling hamon ang mataas na presyo ng langis na patuloy na nakaaapekto sa galaw at kakayahan ng mga mananampalataya na makilahok sa taunang tradisyong ito. #
