Maxim, tumangging ihinto ang operasyon sa gitna ng negosasyon sa Angeles City
Tumanggi ang ride-hailing platform na Maxim na pansamantalang ihinto ang operasyon ng kanilang app sa Angeles City sa gitna ng nagpapatuloy na negosasyon sa lokal na pamahalaan kaugnay ng regulation ng motorcycle taxi at app-based transport services.
Ang official statement ng kumpanya ay ipinadala sa pamamagitan ng email mula sa “pr_philippines@taximaxim.com” na ipinadala sa news team. Bago nito, sinabi rin ni Taj Angeles, Government Relations Officer ng Maxim, sa CLTV36 News team na asahan na ang magiging official statement ng kumpanya ay manggagaling sa naturang PR firm.
Sa official statement, kinumpirma ng Maxim na kabilang sa napag-usapan sa dialogue kasama ang Angeles City LGU ang panawagang pansamantalang i-disable ang kanilang app bilang kondisyon upang umusad ang diskusyon sa legalization ng operasyon.
Ngunit ayon sa kumpanya, bagama’t nauunawaan nila ang concerns ng lokal na pamahalaan, naniniwala silang hindi kinakailangan ang total disruption ng serbisyo lalo na umano at maaapektuhan ang kabuhayan ng riders at publiko.

“Even a short suspension of access to the app may affect lawful delivery and car rides services, partner-driver livelihood, and thousands of local users who rely on the platform,” anila.
Kinilala naman ng Maxim ang mga isyu na ibinabato laban sa kanilang operasyon.
“Maxim acknowledges concerns related to road safety, rider discipline, and reports of possible misuse of the Maxim app, and remains open to practical solutions that strengthen compliance while protecting lawful services and legitimate driver livelihood.”
Sa halip na tuluyang ihinto ang operasyon, sinabi ng kumpanya na handa silang makipagtulungan sa Angeles City Government sa pamamagitan ng mas mahigpit na monitoring ng partner-drivers, pag-block sa accounts na may verified violations, safety reorientation programs, at direktang coordination mechanism sa lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin din ng kumpanya na mayroon silang Certificates of Compliance sa ilalim ng Motorcycle Taxi Technical Working Group para sa Region III at Region IV-A na nagsilbing gabay sa kanilang koordinasyon sa iba’t ibang LGU.
“Maxim remains hopeful that continued dialogue and cooperation with local authorities and transport stakeholders will lead to a balanced and practical solution.”
Kasabay nito, sinabi rin ng kumpanya na bukas sila sa posibilidad na makapagbigay ng lawful earning opportunities sa mga residente ng Angeles City kabilang ang mga tricycle driver sa pamamagitan ng delivery services, tricycle bookings, at iba pang app-based services na alinsunod sa batas at pagpayag ng lokal na pamahalaan.
Patuloy namang umiinit ang debate sa Angeles City hinggil sa regulation ng motorcycle taxi operations lalo na sa usapin ng accountability, digital footprint ng riders, kaligtasan ng pasahero, at proteksyon sa traditional transport sector gaya ng TODA operators. #
