Malacañang, walang impormasyon sa umano’y hindi napakikinabangang kita sa BCDA assets
Wala raw natanggap na impormasyon ang Malacañang kaugnay ng umano’y hindi napakikinabangang kita mula sa malalaking government assets na pinangangasiwaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Ito ang tugon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa Malacañang Press Corps ngayong Biyernes, November 13, kasunod ng mga tanong tungkol sa leadership reshuffle sa BCDA at mga naunang puna ni Department of National Defense Secretary Gibo Teodoro sa pamamahala sa dating military assets.
Samantala, kaugnay ng paglipat ni BCDA President and CEO Engr. Joshua Bingcang sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA), iginiit ng Palace official na dapat mailagay ang “tamang tao sa tamang posisyon.”
Matatandaang noong November 2025, nagpahayag si Teodoro ng pagtutol sa pagpapalawig ng corporate life ng BCDA. Ipinunto rin niya ang pangangailangang matiyak ang wastong paggamit ng strategic military assets at ang kita mula sa mga ito.
Sa kabila nito, iniulat ng Department of Finance na umabot sa ₱11.5 billion ang asset disposition proceeds na nai-remit ng BCDA sa national government ngayong 2026. Mas mataas ito nang 267% kumpara sa naitala noong nakaraang taon. #
