Offline tap-to-pay feature na ‘No Signal Pay’, inihahanda na ng GCash
Hindi na magiging hadlang ang mahinang signal o kawalan ng mobile data sa pagbabayad gamit ang e-wallet matapos ianunsyo ng GCash ang bago nitong feature na tinatawag na “No Signal Pay.”
Inihayag mismo ni GCash President & CEO Martha Sazon ang nasabing inobasyon sa ginanap na 3rd-quarter earnings briefing ng kumpanya nitong Martes, November 10. Bahagi raw ito ng kanilang hakbang upang maabot ang mga lugar sa bansa na mahina ang internet signal.
Sa ilalim ng No Signal Pay, pwede nang magbayad ang mga user sa mga piling merchant at public transpo kahit walang signal, walang internet connection, o kahit nakararanas ng system maintenance ang GCash app, basta’t may sapat na balance ang kanilang wallet.
Gumagamit ang feature na ito ng Near-Field Communication (NFC) at tokenization technology. Sa halip na buksan ang app at mag-scan ng QR code, kailangan lang i-unlock ng user ang kanilang smartphone at i-tap ito sa NFC-enabled payment terminal para makumpleto ang transaksyon.
Sa kasalukuyan, wala pang eksaktong petsa kung kailan opisyal na ilulunsad sa publiko ang bagong feature. Hindi pa rin tinutukoy ng GCash ang kumpletong listahan ng mga supported smartphone models, compatible payment terminals, at mga lugar kung saan ito unang ipatutupad.
Sa kabila nito, inaasahang malaking ginhawa umano ito para sa milyon-milyong Pinoy na madalas makaranas ng aberya sa koneksyon habang nasa pila ng mga tindahan o istasyon ng tren. #
