Reshuffle sa liderato ng economic team ng gobyerno, ipinatupad ni PBBM

Nagkaroon ng malawakang pagbabago sa pamunuan ng apat na pangunahing ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pangongolekta ng buwis, customs operations, at investment promotion sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Kabilang sa mga pagbabago ang paglipat ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President and CEO Engr. Joshua Bingcang bilang bagong Director General ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), kapalit ni Tereso Panga.
Papalitan naman si Bingcang sa BCDA ni outgoing Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno, habang itinalaga namang bagong Customs Commissioner si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin Mendoza.
Sa BIR naman, si Department of Finance (DOF) Undersecretary Rolando Ligon Jr. ang itinalagang bagong Commissioner.
Pormal na nanumpa sa Malacañang ngayong Biyernes, November 13, sa harap ni Pangulong Marcos sina Nepomuceno, Mendoza, at Ligon.
Sa panahon ng pamumuno ni Bingcang, umabot sa ₱145.46 billion ang approved investments ng BCDA mula January hanggang October 2026, mas mataas ng 143% kumpara sa nakaraang taon.
Samantala, nagpahayag naman ng pangamba ang ilang grupo ng mga negosyante at exporter sa posibleng epekto ng biglaang pagpapalit ng mga opisyal sa pagpapatuloy ng mga reporma at pagpapanatili ng tiwala ng mga investor. #
