Mahigit 32,000 bagong teaching positions, aprubado para sa S.Y. 2026-2027
Matagal nang hinaharap ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang kakulangan ng mga guro at mataas na bilang ng mga estudyante kada silid-aralan.
Dahil dito, mas bumibigat umano ang trabaho ng mga teacher at naaapektuhan ang kalidad ng kanilang pagtuturo.
Bilang tugon, inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang 32,916 na bagong teaching positions para sa School Year 2026-2027.
Ayon sa Department of Education (DepEd), malaking hakbang ito upang mabawasan ang teacher shortage at mapababa ang ratio ng mga estudyante sa bawat guro sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nakahanay ang hakbang sa layuning palakasin ang kalidad ng batayang edukasyon at bigyang-prayoridad ang kapakanan ng mga guro.
Kabilang sa mga bagong item ang mahigit 32,000 posisyon para sa Teacher I, habang mayroon ding mga posisyon para sa Teacher III, Special Science Teacher I, at Teacher IV para sa Special Needs Education (SNED).
Itatalaga ang mga bagong guro sa Kindergarten, Elementary, Junior High School, Senior High School, at Alternative Learning System (ALS) sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Pinakamalaking alokasyon ng bagong teaching items ang mapupunta sa Zamboanga Peninsula (Region IX) na may 3,361; kasunod ang Central Luzon na may 2,722 items, Calabarzon na may 2,644 items, Central Visayas na may 2,586 items, at Northern Mindanao na may 2,541 items.
Kasabay nito, patuloy ring ipinapatupad ng DepEd ang Expanded Career Progression System upang mabigyan ng mas malinaw na oportunidad sa promosyon at professional growth ang mga guro nang hindi kinakailangang lumipat sa administrative positions. #
