Legal framework ng Pax Silica, naipasa na ng BCDA sa Pangulo: Usec. Castro
Naisumite na raw ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang legal framework para sa planong pagtatayo ng Pax Silica hub, ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro.
Sa isang panayam sa Malacañang ngayong Martes, October 13, sinabi ni Castro na idinaan sa kaukulang proseso ang pagpapasa nito. Pero hindi pa raw nakukumpirma kung personal na itong natanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Dagdag pa niya, inaasahang lalagdaan ang framework agreement bago matapos ang taong 2026.
Patuloy pa umanong pinag-uusapan ng BCDA at ng katuwang nitong development partner mula sa Amerika ang mga detalye ng kasunduan. Saklaw ng planong proyekto ang humigit-kumulang 1,620 hectares na lupain sa New Clark City sa Tarlac.
Gayunman, umani ito ng pagtutol mula sa iba’t ibang sektor dahil sa posibleng epekto nito sa supply ng tubig at kuryente, mga lupang sakahan, at ancestral domain ng mga katutubong Aeta.
Nanawagan din ang ilang lider ng komunidad sa Capas, Tarlac, na kanselahin ang proyekto dahil sa pangambang maapektuhan ang kanilang kabuhayan at lupang ninuno.
Samantala, sinabi ng Department of Agrarian Reform nitong Setyembre na wala pa itong natatanggap na aplikasyon para sa land conversion na may kaugnayan sa proyekto. #

