EJ Obiena, balik sa World Top 10 matapos ang 20th Asian Games gold
Mula sa sunod-sunod na hamon dulot ng injury, muling pinatunayan ng Pinoy Olympian na si Ernest John “EJ” Obiena na kaya niyang bumumalik sa hanay ng pinakamahusay na pole vaulters sa mundo matapos makapasok sa World Top 10.
Batay sa pinakabagong rankings ng World Athletics as of October 6, umakyat si Obiena sa ikasampung pwesto sa men’s pole vault na may 1,320 points. Mahigit dalawang taon din siyang nawala sa elite rankings matapos maabot ang career-high na World No. 2 noong July 2023.
Malaking bahagi ng kanyang pagbabalik ang matagumpay na kampanya sa katatapos na 20th Asian Games sa Nagoya, Japan, kung saan nasungkit niya ang ikalawang sunod na gintong medalya sa pole vault. Hindi lamang titulo ang naiuwi ni Obiena; nalampasan din niya ang 5.91 meters upang basagin ang sarili niyang Asian Games record na 5.90 meters, na naitala niya sa nakaraang edisyon ng torneo.
Dumating si Obiena sa Maynila nitong October 5 kasama ang huling batch ng delegasyon ng Pilipinas mula sa Asian Games sa Japan. Sa social media, ibinahagi ng Pinoy Pride ang kanyang pagbabalik sa Top 10 at inilarawan ang kanyang pag-angat bilang bunga ng pagsisikap sa kabila ng mga pagsubok.
Samantala, nananatiling World No. 1 si Armand Duplantis ng Sweden na may 1,561 points, kasunod sina Emmanouil Karalis ng Greece na may 1,475 at Kurtis Marschall ng Australia na may 1,405 points.
Nakatakda namang magpahinga si Obiena bago bumalik sa training camp sa Athens, Greece, bilang paghahanda sa susunod na mga kompetisyon. Kabilang sa kanyang mga target ang 2028 Los Angeles Olympics, kung saan hangad niyang makamit ang kauna-unahan niyang Olympic medal. #

