Ikatlong sunod na rollback sa petrolyo, posible sa susunod na linggo

Posibleng makatikim muli ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga motorista sa susunod na linggo, bunsod ng sapat na supply at mas mahinang demand ng langis sa pandaigdigang merkado.
Batay sa initial estimate ng isang local oil industry source ngayong Biyernes, November 20, tinatayang bababa nang ₱2.35 hanggang ₱2.55 ang presyo kada litro ng diesel. Nasa ₱2.00 hanggang ₱2.15 kada litro naman ang inaasahang tapyas sa presyo ng gasolina.
Kung matutuloy, ito na ang magiging ikatlong sunod na linggo ng rollback ngayong Nobyembre.
Nilinaw naman na projection pa lamang ito at posible pang magbago depende sa resulta ng huling araw ng trading ngayong Biyernes.
Sa Lunes, November 23, inaasahang iaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang final price adjustments na ipatutupad sa Martes, November 24. #
