Kailangan ang regulasyon sa motorcycle taxi habang wala pang batas: DOTr
Bumisita sa Angeles City si Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni “Banoy” Lopez kung saan muli niyang iginiit ang pangangailangang maayos na ma-regulate ang operasyon ng motorcycle taxi sa bansa habang wala pang ganap na batas na naipapasa ng Kongreso.
Ayon kay Lopez, malinaw umanong nakasaad sa inilabas na Department Order ng DOTr na kinakailangang magkaroon ng kontrol, pamantayan at legal na balangkas sa operasyon ng mga motorcycle taxi upang maprotektahan hindi lamang ang mga rider-partner kundi lalo na ang kaligtasan ng mga pasahero.
Giit pa ng opisyal, hindi maaaring manatiling “gray area” ang operasyon ng motorcycle taxi lalo na’t libo-libong Pilipino na ang umaasa rito bilang kabuhayan at alternatibong transportasyon.
Nilinaw rin niya na ang regulasyon sa sektor ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB habang hinihintay pa ang pinal na batas mula sa Kongreso.
Kasunod ito ng mga usapin kaugnay ng rider cap, onboarding ng mga bagong rider at operasyon ng ilang motorcycle taxi companies sa iba’t ibang lungsod kabilang ang Angeles City.
Ayon sa opisyal, mahalagang magkaroon ng balanseng polisiya upang hindi maputol ang hanapbuhay ng riders ngunit kasabay nito ay matiyak din ang accountability, insurance coverage, road safety standards at proteksyon sa commuting public. #
