Ilegal na gambling hub sa Angeles City, sinalakay ng NBI; 6, arestado
‎Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na indibidwal na sangkot umano sa online gambling scam sa Angeles City.
Nahuli ang operator ng diumano’y ilegal na online casino at lima pang pinaniniwalaang mga manlalaro nito sa Brgy. Santo Cristo noong May 21, 2026. Kasunod ito ng paghain ng NBI ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) sa parehong araw.

‎Ayon sa NBI, nakatanggap sila ng mga ulat hinggil sa isang indibidwal na nag-ooperate daw ng hindi otorisadong online gambling platforms na nambibiktima ng bettors o mananaya.
Batay sa mga report, maaaring sumali ang players upang maglaro at mag-ipon ng kanilang mapapanalunan. Ngunit hindi na umano nila makukuha ang kanilang earnings dahil nafi-freeze na ang kanilang accounts.
Kinumpirma naman ng PAGCOR na ang online casino platforms na ginamit ay pinapatakbo nang walang mga kaukulang lisensya.
Sasailalim ngayon sa inquest proceedings sa Angeles City Prosecutor’s Office ang anim na indibidwal dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602 (“Prescribing Stiffer Penalties on Illegal Gambling), kaugnay ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. #
