Ilang supporting acts ni Ed Sheeran sa kanyang ‘Loop Tour’, nag-back out
Sunod-sunod nang umatras ang mga artistang nakatakdang makasama ni Ed Sheeran sa kanyang “Loop Tour” matapos alisin sa lineup si rapper Macklemore dahil sa mga pahayag nito ng suporta sa Palestine.

Kabilang sa nag-anunsyong hindi na tutuloy sa mga natitirang show sina FINNEAS, Lukas Graham, Aaron Rowe at ang Irish band na Beoga, na siya ring backing band ni Sheeran.
Nagsimula ang kontrobersiya matapos magsalita si Macklemore tungkol sa Palestine sa isang concert sa New Jersey noong September 4 at 5. Matapos nito, inalis siya sa natitirang bahagi ng U.S. leg ng tour.
Ayon kay Sheeran, hindi siya ang nagdesisyong tanggalin si Macklemore. Aniya, ginawa ito ng tour promoter matapos umanong tumutol ang ilang venue sa pagganap ng rapper sa kanilang mga lugar.
“I was informed that this stance was based on how Macklemore conveyed part of his message during his performance, rather than on everything that was said… Macklemore coming off tour was the promoter’s decision, it was not mine,” saad ng English singer and songwriter sa kanyang Instagram post.
Iginiit naman ng mga artistang umatras na ginawa nila ito bilang pagpapakita ng suporta kay Macklemore at sa karapatan ng mga artist na magsalita tungkol sa mga isyung mahalaga sa kanila.
Samantala, sinabi naman ni Ed na nais niyang manatiling lugar para sa musika at pagkakaisa ang kanyang mga concert. Ayaw niya raw gawing political forum ang kanyang bawat performances.
“There is a reason I do not use my professional platform for politics… Those who come to my shows do not expect a political forum,” dagdag niya.
Nilinaw din niyang kinikilala niya ang karapatan ni Macklemore na ipahayag ang kanyang paninindigan.
Sa pinakahuling development, sinabi ni Macklemore na ido-donate niya sa mga organisasyong tumutulong sa mga Palestinian ang buong US $1 million na kinita niya mula sa “Loop Tour.” Hinamon din niya si New England Patriots owner Robert Kraft na tumapat sa naturang donasyon.
Si Kraft ang isa sa mga may-ari ng Gillette Stadium, kung saan naka-schedule na mag-perform si Sheeran bago matapos ang buwan. #
