Ilang residente sa Obando, Bulacan, nilikas dahil sa usok mula sa Navotas Sanitary Landfill
Ilang residente sa Obando, Bulacan ang pansamantalang nilikas matapos maapektuhan ng makapal na usok na nagmumula sa sunog sa Navotas Sanitary Landfill.
Ayon kay Martin Despi ng Department of Environment and Natural Resources Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Region 3, may banta sa kalusugan ang naturang usok, lalo na sa mga residenteng malapit sa coastal communities.
Pinapayuhan ng opisyal ang publiko na magsuot ng face mask at lumikas muna kung sakaling tumindi pa ang usok sa kanilang lugar.
Dagdag pa ni Despi, may mga residue sa hangin na posibleng makasama sa kalusugan kaya mahalagang sumunod sa abiso ng mga otoridad.
Samantala, batay sa ulat, mahigit 300 residente mula sa ilang barangay sa Obando ang inilikas matapos makarating sa kanilang lugar ang usok mula sa landfill na ilang araw nang nasusunog. Ilan sa mga apektadong residente ang nakaranas ng hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, at iritasyon sa mata at ilong.
Nagsimula ang sunog sa lumang sanitary landfill sa Navotas noong nakaraang linggo at patuloy pa ring naglalabas ng makapal na usok dahil sa nag-aalab na basura sa ilalim nito. Ayon sa mga otoridad, bagama’t idineklarang “under control” ang sunog, pahirapan ang tuluyang pag-apula rito dahil kinakailangang tabunan ng lupa at buhangin upang maputol ang supply ng oxygen na nagpapalala sa apoy. #
