Holy Rosary Parish sa Angeles City, ika-30 minor basilica sa Pilipinas
Itinaas bilang isang minor basilica ang Holy Rosary Parish Church o Pisamban Maragul sa Angeles City, Pampanga.
Aprubado ni Pope Leo XIV ang deklarasyon sa pamamagitan ng kautusang inilabas ng Dicastery for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments na may petsang January 21, 2026. Pormal namang tinanggap ng naturang parokya ang Decree of Elevation sa Apostolic Nunciature nitong Martes, February 10.
Ayon sa pamunuan ng simbahan, sumasalamin ang karangalang ito sa matibay na debosyon ng mga Angeleño sa Mahal na Birhen at sa patuloy na pananampalataya ng komunidad.
Ipinagkaloob ang deklarasyon kasabay ng paggunita sa ilang mahahalagang makasaysayang okasyon. Kabilang dito ang 380th anniversary ng Battle of La Naval, 230th founding anniversary ng Barrio Culiat (na ngayon ay Angeles City), at ang 140th anniversary ng unang misa sa Pisamban Maragul.
Bagaman matatagpuan sa Angeles City, ang Holy Rosary Parish Church ang kauna-unahang simbahan sa Archdiocese of San Fernando na ginawaran ng naturang pagkilala, at ika-30 minor basilica sa buong Pilipinas.
Ang titulong “minor basilica” ay ibinibigay sa mga simbahang kinikilala sa kanilang historical and architectural significance. #
