Hindi makakaupo ang elected officials na bigong magsumite ng SOCE: DILG
Hindi papayagang maupo sa kanilang mga posisyon ang mga nanalong kandidato sa May 12 midterm elections na bigong magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa isang pahayag, iginiit ng DILG na malinaw sa batas, partikular sa Republic Act 7166 at Comelec Resolution 10730, na hindi maaaring manungkulan ang sinumang opisyal hangga’t hindi nakatutupad sa naturang rekisito.

Itinakda ang huling araw ng filing ng SOCE nitong Miyerkules, June 11.
Bunsod nito, inatasan na ng DILG ang lahat ng kanilang field at regional offices na makipag-ugnayan sa Commission on Elections para i-verify ang mga dokumento bago opisyal na kilalanin ang sinumang uupo sa lokal na pamahalaan.
Dagdag pa rito, maaaring pagmultahin ang mga hindi tumalima sa patakaran, habang ang mga paulit-ulit na lumalabag ay posible maharap sa perpetual disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno. #
