Gov. Pineda, binabantayan ang imbestigasyon sa Balibago tragedy
Patuloy na sinusubaybayan ni Pampanga Governor Lilia “Nanay” Pineda ang usad ng imbestigasyon kaugnay ng Balibago tragedy sa Angeles City, kung saan gumuho ang isang under-construction na gusali at ikinasawi ng ilang construction worker.

Sa panayam ng CLTV36 News, inilahad ni Pineda na masakit para sa kanya ang sinapit ng ilan sa mga biktima, partikular ang mga kabataang nagtungo sa Angeles City upang maghanapbuhay at tumulong sa kanilang pamilya.
Aniya, naputol ng trahedya ang pangarap ng mga kabataang biktima na nagsisikap para sa kanilang kinabukasan.
Sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon, nagpaabot ng personal na tulong si Pineda sa mga naulilang pamilya, kabilang ang cash assistance at relief goods.
Gayunpaman, iginiit ng opisyal na hindi dapat magtapos sa ayuda ang usapin. Aniya, mahalagang masuri ng mga eksperto ang iba’t ibang aspeto ng proyekto, kabilang ang mga materyales at iba pang teknikal na detalye, upang matukoy kung ano ang naging sanhi ng insidente.
Patuloy namang hinihintay ng Kapitolyo ang resulta ng imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang mga pangyayari at maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap. #
