Gordon sa gulo sa Senado: “It’s about Duterte”

“It’s about Duterte.”
Ito ang diretsahang sagot ni dating Senador Richard “Dick” Gordon ukol sa umiinit na banggaan ng liderato sa Senado, kasabay ng inaabangang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gordon, dapat umanong balikan ng maraming Pilipino ang naging boto ng publiko noong nakalipas na halalan, lalo na sa mga kandidatong nanalo dahil sa impluwensya at popularidad ng pamilya Duterte. Aniya, ang kaguluhang nakikita ngayon sa mataas na kapulungan ay bahagi ng epekto ng political choices ng taumbayan.
Pabor si Gordon sa panig ng Gatchalian bloc at nanawagan siyang bantayan ng publiko ang magiging takbo ng impeachment trial laban kay VP Duterte. Aniya, mahalagang hindi malihis ang usapin sa simpleng bangayan sa kapangyarihan dahil nakasalalay dito ang pananagutan ng mga opisyal sa harap ng taumbayan.
Nang tanungin naman tungkol sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects, sinabi ni Gordon na kampante siya sa direksyon ng imbestigasyon at paghahanap ng hustisya, lalo na’t may mga napapanagot at nakukulong na umano sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Matatandaang kilalang kritiko si Gordon ng dating administrasyong Duterte. Noong siya ang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, pinangunahan niya ang imbestigasyon sa Pharmally scandal, kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng medical supplies para sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Sa nasabing imbestigasyon, sinilip ng komite ang bilyong pisong kontrata ng Pharmally Pharmaceutical Corp. sa gobyerno, kasama ang mga alegasyon ng overpricing at isyu sa procurement.
Naging mainit din noon ang bangayan nina Gordon at dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos depensahan ng senador ang imbestigasyon ng Senado bilang bahagi ng tungkulin nitong maghanap ng pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. #
