Nuclear-Free Bataan Movement, tutol sa pag-aalis ng ban sa pagpopondo ng nuclear energy
Mariing tinutulan ng Nuclear-Free Bataan Movement (NFBM) ang desisyon ng Asian Development Bank (ADB) na alisin ang nuclear energy financing ban na ipinatupad nito noong 2021.
Ayon sa grupo, isang mapanganib na hakbang ang pagbabalik ng suporta sa nuclear energy dahil sa mga panganib umano nito sa kalikasan, ekonomiya, at kaligtasan ng publiko.


Binigyang-diin ng NFBM ang karanasan ng bansa sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), na hindi kailanman nakapag-produce ng kuryente at hindi napakinabangan sa kabila ng malaking pondong inilaan dito.
Ayon sa mga ulat, umabot sa humigit-kumulang $2.3 billion ang kabuuang utang at interes kaugnay ng pagtatayo ng planta, na never namang nakapag-operate.


Kaugnay nyan, sinabi ni NFBM Council Member Elpidio Avellanoza na ang muling pagpopondo sa nuclear energy ay maaaring magdulot ng mas malaking utang, pagpapalikas sa mga komunidad, at pangmatagalang panganib sa susunod na henerasyon
Iginiit din ng grupo na high-risk umano ang Pilipinas pagdating sa nuclear power dahil sa pagiging earthquake-prone ng bansa. Binanggit nila ang kamakailang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao at ang lokasyon ng BNPP na malapit sa Mt. Natib bilang ilan sa nakikita nilang pangamba.
Ayon pa sa NFBM, nananatili ang mga isyung may kinalaman sa radioactive waste, posibilidad ng aksidente, at mataas na gastos sa mga nuclear project.


Bukod dito, kinuwestiyon din ng NFBM ang kawalan ng konsultasyon ng ADB sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng mga proyektong nuclear.
Kaya panawagan ng grupo, bawiin ang desisyon at sa halip ay palawakin ang suporta sa renewable energy projects sa Asya. #
