Ginebra, tinuldukan ang ‘TNT curse’; nasungkit ang kampeonato sa PBA Commissioner’s Cup
Matapos ang tatlong taong paghihirap at sunod-sunod na pagkatalo sa kamay ng Tropang 5G, opisyal nang winakasan ng Barangay Ginebra ang tinatawag na “TNT curse.”
Ito ay matapos nilang dominahin ang Game 7 ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup Finals sa score na 88-76.

Binasag ng Gin Kings ang kanilang tila sumpa sa harap ng mahigit 24,000 na manonood nitong Miyerkules ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Ito rin ang kanilang unang kampeonato mula noong January 2023 kung saan huli nilang tinalo ang Bay Area.
Bago ang matamis na tagumpay, tatlong beses munang dumaan sa butas ng karayom ang Ginebra kung saan bigo nilang nakuha ang korona laban sa TNT sa magkakahiwalay na serye ng Season 49 Commissioner’s Cup, pati na rin sa Season 47 at Season 49 Governors’ Cup.
Muling pinatunayan ng itinanghal na Best Import na si Justin Brownlee ang kanyang bagsik matapos makapagtala ng 30 points at 14 rebounds. Siya ang nanguna sa 48-29 run ng koponan sa second half upang burahin ang bentahe ng Tropang 5G.

Hindi naman nagpahuli ang tinaguriang Finals MVP na si Scottie Thompson na nag-ambag ng halos triple-double na pagganap para sa Gin Kings. Nagtala siya ng 19 points, 11 rebounds, at 8 assists para selyuhan ang kanilang panalo.

Ibinahagi naman ni Thompson na ito na marahil ang pinaka-emosyonal na parangal na kanyang natanggap dahil hindi niya raw ito inaasahan.
Samantala, katulong din sa panalo ng Ginebra ang pambato ng Gilas Pilipinas at Best Player of the Conference na si RJ Abarrientos. Nakapagrehistro siya ng kabuuang 13 points para makuha ang kanyang kauna-unahang titulo sa liga.
Sa kabilang banda, pinangunahan naman ni Chris McCullough ang nabigong tropa ng TNT sa kanyang 28 points. #
