Farm-to-Market Road Projects sa Central Luzon, nakatengga pa rin; partisipasyon ng LGU, hindi pa tiyak: DA
Nanatiling walang galaw ang mahigit 200 farm-to-market road (FMR) projects sa Central Luzon na may pondong aabot sa ₱4-billion, matapos kumpirmahin ni Department of Agriculture Region 3 Director Eduardo Lapuz na wala pa ring nabi-bid hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay Lapuz, bukod sa epekto ng krisis sa construction materials at paghihintay sa updated pricing ng Department of Public Works and Highways (DPWH), hindi rin malinaw sa ngayon kung magiging kabahagi ang mga local government unit (LGU) sa implementasyon ng mga proyekto.
Paliwanag niya, wala pang LGU na nagko-commit sa sinasabing 10% counterpart na isa umano sa kinokonsiderang mekanismo sa pagpapatupad ng mga FMR. Dahil dito, hindi pa matiyak kung tuluyang maisasama ang LGU sa implementasyon.
Samantala, ayon kay Pampanga Engineering Office Chief Engr. Noli Pangan, hindi rin malinaw sa kanilang hanay kung saan nanggagaling ang 10% na sinasabing commitment mula sa LGU.
“Wala pa pong malinaw na polisiya o kasunduan tungkol diyan. Hanggang ngayon, wala pang memorandum of agreement (MOA), kaya tali ang kamay namin sa implementasyon,” ani Pangan.
Dagdag niya, hangga’t walang malinaw na guidelines at pormal na kasunduan, mananatiling limitado ang galaw ng mga implementing offices sa naturang proyekto.
Sa gitna nito, nananatiling usapin kung paano mapapabilis ang rollout ng FMR—mga proyektong kritikal sa mga magsasaka—lalo’t hindi pa rin plantsado kung sino ang dapat manguna sa implementasyon: national agencies o ang LGU. #
