Enhanced Anti-Hospital Detention Act, pasado na sa Senado

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang proteksyon sa mga pasyente at kanilang pamilya laban sa sapilitang pananatili sa ospital dahil sa hindi pa nababayarang medical bills.
Labing-walong senador ang bumotong pabor sa Senate Bill No. 1511 o Enhanced Anti-Hospital Detention Act. Walang bumoto kontra rito, habang nag-abstain si Sen. Panfilo Lacson upang maiwasan ang conflict of interest bilang founding member ng isang ospital sa Cavite.
Sa ilalim ng panukala, palalawakin ang saklaw ng Republic Act No. 9439 upang protektahan hindi lang ang mga pasyente kundi pati kanilang mga kamag-anak, kinatawan, caregiver at mga bagong silang na sanggol.
Mas paiigtingin din ang mga panuntunan sa pag-release ng mga labi ng pumanaw na pasyente kahit hindi pa naaayos ang kanilang mga obligasyon sa ospital.
Itataas naman ang mga parusa laban sa mga lalabag na opisyal at empleyado ng ospital. Ang mga direktang sangkot ay haharap sa multang ₱100,000 hanggang ₱300,000 na multa o pagkakakulong ng hanggang dalawang taon at apat na buwan.
Mas mabigat naman ang parusa sa mga direktor o administrador na nagpapatupad ng illegal hospital detention policy. Maaaring silang pagmultahin ng ₱500,000 hanggang ₱1-million at makulong ng apat hanggang anim na taon.
Maaari ring bawiin ng Department of Health ang lisensya ng ospital kapag tatlong beses na naulit ang mga paglabag.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, na pangunahing may-akda at sponsor ng panukala, target nitong balansehin ang karapatan ng mga pasyente at ang lehitimong karapatan ng mga ospital na maningil ng bayarin para sa serbisyong ibinigay.
Binigyang-diin din ni Hontiveros na hindi binubura ng panukala ang obligasyon ng pasyente na magbayad. Iginiit niyang maaaring habulin ng ospital ang mga hindi pa nababayarang obligasyon, ngunit hindi dapat gamitin ang kalayaan, dignidad, medical records, personal na gamit, o labi ng isang tao bilang panagot sa utang.
Maaari pa ring gumamit ang ospital ng mga legal na paraan para maningil, tulad ng pagtanggap ng promissory note na maaaring suportahan ng mga mekanismong itinakda sa batas.
Kabilang dito ang mortgage, contract of guaranty, deed of assignment ng SSS o GSIS loan proceeds o benefits, at guarantee letters mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD) o Department of Health (DOH).
Para naman sa mga kwalipikadong indigent patient, mananatili ang assessment at endorsement process, kasama ang kinakailangang guarantee letter mula sa DOH o DSWD.
Kasabay nito, inaatasan din ng panukala ang mga ospital na maging transparent sa kanilang singil at ipinagbabawal ang mga nakatagong o hindi otorisadong bayarin. #
