20% discount sa mobile load at internet ng mga estudyante, inihain sa Senado
Bawas-gastos sa load at internet ng mga estudyante ang layunin ng bagong panukalang batas na inihain kamakailan sa Senado.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2275 o Student Load Discount Act ni Senator Erwin Tulfo, maiibsan umano ang gastusin ng pamilya sa digital education dahil sa ipapataw na 20% discount sa prepaid load, postpaid plans, at mobile data packages para sa lahat ng enrolled Filipino students.
Isinulong ang panukala kasunod ng madalas na paglipat sa online learning tuwing masususpinde ang face-to-face classes dahil sa masamang panahon.
Saklaw nito ang mga mag-aaral mula elementary, secondary, technical-vocational, hanggang kolehiyo. Hindi naman kabilang dito ang mga kumuha ng post-graduate studies.
Ipatutupad ang mandatory discount buong taon, maging sa mga araw ng Sabado, Linggo, at official holidays.
Ayon kay Tulfo, hindi dapat maging hadlang sa pag-aaral ng isang estudyante ang kawalan ng pambili ng mobile data, lalo’t agad na lumilipat sa online classes ang mga paaralan kapag may suspensyon ng klase dahil sa bagyo.
Oras na maisabatas, kailangan lang mag-present ng valid school ID o proof of enrollment at birth certificate ang isang mag-aaral para ma-claim ang discount. Obligado naman ang mga telecommunications company na sundin ang probisyon ng panukala, kung saan papatawan ng kaukulang parusa ang mga hindi tatalima. #
