Driver ng truck at pamilya ng lolang nasagasaan sa Bulaon, nagkaareglo na
Case closed na sa panig ng pulisya ang insidente ng reckless imprudence resulting to homicide na ikinasawi ng isang lola sa Bulaon Resettlement, CSFP.

Ayon kay PMaj. Michael Ray Pamintuan ng San Fernando Police Substation 3, nagkasundo ang pamilya ng biktimang si Elvira Sicat at ang driver ng truck na si Armando Valdez, Jr. na tubong Tarlac. Aniya, nakapaglabas na rin ng affidavit of desistance ang asawa ng nasawi kaya hindi na ito maghahain ng kaso.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente bandang 8:43 AM nitong Lunes, June 8. Sinubukan pa raw na tumawag ng rescue ng mga otoridad, pero idineklara siyang dead on the spot.
Base sa CCTV footage, nauna ang biktima na nakabisikleta habang kasunod ang truck. Umiwas umano ang biker sa nakaparadang motor ngunit hindi umano ito napansin ng truck kaya nasapul ang bisikleta at nagulungan ang biktima.
Kwento ng truck driver, nawalan umano ng preno ang minamaneho niyang truck. Hindi rin daw niya napansin na pumasok sa kanyang linya ang nagbibisikleta.
Patuloy naman ang panawagan ng mga otoridad sa mga motorista na magdoble ingat sa pagmamaneho lalo na sa matataong lugar. #
