Clemency para kay Mary Jane Veloso, sinusuri pa: Malacañang
Wala pa raw pinal na desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa posibilidad na pagkalooban ng clemency ang detainee at dating Overseas Filipino Worker na tubong Nueva Ecija na si Mary Jane Veloso, ayon sa Malacañang.
Sinabi ng Palasyo na patuloy na sinusuri ng Office of the Executive Secretary ang mga umiiral na legal na probisyon at ang mga naging talakayan ng Pilipinas at Indonesia kaugnay ng kaso.
Lumabas ang pahayag kasunod ng mga tanong kung nakarating na sa Pangulo ang petisyon ng pamilya ni Veloso para sa pagpapagaan ng kanyang sentensiya.
Samantala, muling umapela si Veloso sa publiko para sa kanyang paglaya matapos mahigit 16 na taong pagkakakulong sa kasong mariin niyang itinatanggi.
Naaresto si Veloso sa Yogyakarta, Indonesia noong 2010 matapos matagpuan ang heroin sa kanyang bagahe. Nahahatulan siya noon ng parusang bitay dahil sa drug trafficking, ngunit nabigyan ng huling sandaling “reprieve” matapos sumuko ang umano’y kanyang mga recruiter.
Naging bahagi ng diplomatic talks ang kanyang kaso, kabilang ang pagtalakay nito sa state visit ni Pangulong Marcos sa Indonesia noong 2022. Makalipas ang ilang taon, inanunsyo ang kanyang repatriation sa Pilipinas.
Dumating si Veloso sa bansa noong December 2024 at agad dinala sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong upang ipagpatuloy ang pagsisilbi ng natitirang sentensiya.
Sa ngayon, nananatiling under review ang usapin habang hinihintay ang pinal na desisyon ng Pangulo. #
