Clark International Airport, kabilang sa World’s Best Airports at Arrivals
Kinilala ang Clark International Airport (CRK) bilang isa sa anim na paliparan sa buong mundo na ginawaran ng Best Airports at Arrivals sa 2025 Airport Service Quality (ASQ) Customer Experience Awards ng Airports Council International World.
Ayon sa pamunuan ng Luzon International Premiere Airport Development Corp. (LIPAD), na siyang namamahala sa operasyon ng CRK, patunay ang parangal sa pagsisikap ng kanilang team at partners upang matiyak na maayos, komportable, at may tunay na Filipino hospitality ang pagsalubong sa bawat pasahero.
Sinabi ni LIPAD President & CEO Noel Manankil na mahalaga ang first impression ng mga bumibisita sa bansa, at layunin nilang mapanatili ang positibong karanasan ng mga pasahero.
Batay sa 2025 ASQ survey, higit na pinahahalagahan ng mga pasahero ang malinis at maaliwalas na kapaligiran ng paliparan, maayos at mabilis na proseso ng arrivals, magalang at maasikasong frontline personnel, at efficient border and passport control na nakababawas sa stress at abala ng mga biyahero.
Ang ASQ ang tanging pandaigdigang benchmarking program na sumusukat sa passenger satisfaction habang nasa paliparan ang mga biyahero. Halos 707,000 pasahero ang sinuri sa iba’t ibang oras at araw sa buong mundo gamit ang scientific sampling methods.
Sa ulat, lumabas na kahit patuloy ang pagdami ng air traffic sa buong mundo, tumataas din ang antas ng kasiyahan sa mga paliparang nagbibigay-priyoridad sa maayos at makataong serbisyo.
Sa pagkilalang ito, mas pinagtitibay ng Clark International Airport ang posisyon nito bilang isa sa mga pangunahing gateway ng bansa na nagbibigay ng positibong experience sa mga lokal at dayuhang pasahero.
