City College of Angeles, ginawaran ng 5-star int’l distinction para sa events management
Kinilala ang City College of Angeles (CCA) bilang isang 5-Star International Center of Excellence for Events Management ng Asia Pacific Institute for Events Management (APIEM).

Ayon sa ulat, tanging CCA lamang ang kolehiyo sa Pilipinas at sa buong Asia-Pacific region na nakatanggap ng pinakamataas na antas ng pagkilala mula sa international accrediting body para sa events management education.
Iginawad ang rating dahil sa pagsunod ng paaralan sa international standards, kabilang ang kalidad ng kanilang academic programs, paraan ng pagtuturo, at ugnayan sa industriya.
Para sa pamunuan ng CCA, patunay ito ng kanilang patuloy na pagsisikap na palakasin ang kanilang tourism at events management programs sa gitna ng lumalaking demand sa sektor.
Samantala, kabilang din sa mga institusyong kinilala ng APIEM sa bansa ang Lyceum of the Philippines University, Leyte Normal University, Panpacific University, at Joji Ilagan International School of Hospitality Management.
Itinuturing ng CCA na mahalagang hakbang ang pagkilalang ito upang mas mapalawak pa ang kanilang academic presence at makapag-ambag sa pag-unlad ng events industry at turismo sa bansa. #
