CERAB Commander, idineklarang persona non grata sa Capas, Tarlac
By Noel Celeste, CLTV36 News
Idineklara ng Sangguniang Bayan ng Capas, Tarlac bilang persona non grata si Philippine Air Force (PAF) Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB) Commander Lt. Col. Owen Avenido matapos ang special session nitong Lunes, July 27.

Sa botong 11-0, inaprubahan ng konseho ang resolusyon matapos itong irekomenda ni Capas Mayor Roseller “Boots” Rodriguez. Nag-ugat ang hakbang sa mga reklamong kaugnay ng mahigpit na access restrictions ng PAF sa mga barangay ng O’Donnell, Bueno, Maruglo, Sta. Lucia, at Sta. Juliana.
Ayon sa mga opisyal ng bayan, naapektuhan ng mga restriksyon ang paggalaw ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, emergency responders, mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang naghahatid ng mahahalagang serbisyo sa mga komunidad sa loob ng reservation area.
Kabilang rin sa apektado ang mga residente na nagdadala ng produktong agrikultural, suplay, at iba pang pangunahing serbisyo sa limang barangay.
Ayon sa isang miyembro ng Indigenous People (IPs), maging ang 100 sako ng semento at mga roof truss ay hindi rin pinayagang makapasok sa mga checkpoint na naging dahilan kung bakit hindi nila maipagpatuloy ang mga mahalagang proyektong para sa kabuhayan at pabahay.
Matatandaang naglunsad noong July 14 ng kilos-protesta ang tinatayang 3,000 magsasaka at mga katutubong Aeta upang tutulan ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa paligid ng CERAB, na kilala rin bilang Crow Valley.
Binigyang-diin ng Sangguniang Bayan na ang deklarasyon ay hindi laban sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Air Force bilang mga institusyon, kundi isang hakbang upang ipagtanggol ang kapakanan ng mga mamamayan ng Capas. #
