Buhangin mula sa Parua River sa Concepcion, hindi para sa commercial quarrying: Mayor Villanueva
TARLAC — Nilinaw ni Concepcion Mayor Noel Villanueva na hindi para sa commercial quarrying ang pagkuha ng buhangin sa Parua River malapit sa Sta. Rita Bridge, matapos mag-viral ang video ni former Mayor Andy Lacson na nagpapakita ng backhoe at mga quarry truck na nagkakarga ng river materials.
Sa exclusive interview ng CLTV36 News, sinabi ni Villanueva na bahagi ang aktibidad ng isang river-clearing operation na may abiso umano sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at permit mula sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO).
Ayon sa alkalde, ang permit ay nilagdaan ni Tarlac Governor Christian Yap at sumasaklaw sa pagsasaayos ng bahagi ng riverbed upang maituwid ang direksyon ng daloy ng tubig sa Parua River.
“Not for commercial use,” giit ni Villanueva.
Aniya, hindi ibinebenta ang mga nakukuhang buhangin at iba pang materyales mula sa ilog, kundi ginagamit bilang filling material sa site development ng eco park na itinatayo malapit sa municipal hall.
Ipinakita rin ng alkalde sa CLTV36 News ang lugar na pinagtatambakan ng mga materyales. Sinabi niyang multi-purpose ang operasyon dahil bukod sa paglilinis at pag-aayos ng riverbed, nagagamit din ang nahahakot na buhangin sa proyekto ng lokal na pamahalaan.
Ganunpaman, sinabi ni Environmental Management Bureau (EMB) Region III Director Martin Despi na pinagpapaliwanag na niya ang PENRO Tarlac kaugnay ng legal na batayan ng pagkuha at paglipat ng mga materyales mula sa ilog.
Patuloy namang hinihintay ang paliwanag ng PENRO Tarlac hinggil sa saklaw ng permit, dami ng pinahihintulutang hakutin, monitoring mechanism, at iba pang pagbabantay upang matiyak na hindi mauuwi sa commercial extraction ang river-clearing operation. #
