Bataan bettor, wagi ng higit ₱115-M sa Grand Lotto 6/55
Isang maswerteng mananaya mula sa Bataan ang lucky winner ng mahigit ₱115 million jackpot sa Grand Lotto 6/55 draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Miyerkules ng gabi.
Batay sa ulat ng PCSO, nabili ang winning ticket sa Barangay Poblacion sa Morong. Tumama ang kombinasyong 41-08-45-27-09-10 na nagbigay ng kabuuang premyong ₱115,358,791.87.

Bukod sa jackpot winner, 21 pang mananaya ang nakakuha ng tig-₱66,666.66 matapos makakuha ng limang tamang numero. May 875 naman ang tumama ng apat na numero at makakatanggap ng ₱1,485.71 bawat isa.
Nasa 21,504 na bettor din ang makakakuha ng tig-₱60 matapos makakuha ng tatlong tamang numero sa nasabing draw.
Isinasagawa ang Grand Lotto 6/55 tuwing Lunes, Miyerkules, at Sabado, at may nakalaang isang taon ang mga nanalo upang makuha ang kanilang premyo sa PCSO main office sa Mandaluyong City.
Ayon sa patakaran, ang mga jackpot prize ay binubuwisan ng 20% alinsunod sa TRAIN Law. Kailangan namang isumite ang winning ticket na may lagda at dalawang valid ID sa pag-claim.
Patuloy na hinihikayat ng PCSO ang publiko na tangkilikin ang kanilang mga palaro dahil ang kinikita nito ay ginagamit sa pondo ng mga programang pangkalusugan at serbisyong panlipunan ng pamahalaan. #
