Basketball game sa Bulacan, pinatigil dahil sa “tubig!” chant; SJDM officials, binatikos online
Pansamantalang natigil ang isang basketball game sa City of San Jose del Monte, Bulacan matapos ang sigaw na “Tubig! Tubig! Tubig!” na iniuugnay sa nararanasang water service interruptions ng mga residente.
Nangyari ang insidente sa “Ate Rida’s Cup” sa Minuyan Sports Complex nitong Linggo, August 24, kung saan pinagsabihan ni Mayor Rida Robes ang mga dumalo tungkol sa paggalang sa mga opisyal ng pamahalaan.

“Kung sino man ang nag-uudyok sa inyo na walanghiyain ang isang punong-lungsod at kongresista, aba, mahiya naman kayo,” ani Mayor Robes.
Kasunod nito, naglabas ng joint statement ang City Youth Sports and Development Office (CYSDO) at Sangguniang Kabataan Federation na kumondena sa tinawag nilang “disrespectful” behavior.

Giit nila, kinikilala umano nila ang reklamo ng mga tao sa madalas na pagkawala ng supply ng tubig, pero may tamang lugar at panahon daw para gawin ang pagpuna.
“Mahalagang maipakita natin sa ating mga kabataan na ang pagkakaroon ng matinding saloobin ay hindi kailangang maisantabi ang respeto sa kapwa at pagiging disenteng mamamayan,” saad ng CYSDO sa kanilang official statement.
Gayunpaman, umani ng batikos online ang nasabing pahayag. Giit ng ilang netizens, hindi kawalan ng respeto ang paniningil sa pamahalaan, lalo na sa usapin ng pangunahing serbisyo tulad ng water supply.
As of this writing, humingi na ang CLTV36 News ng pahayag at interview schedule sa alkalde sa pamamagitan ng kanyang Public Information Office (PIO).
Samantala, naglabas din ng pahayag ang chairperson ng Barangay Minuyan Proper na si Kap. Irene Biteng. Aniya, huwag daw sanang gawing dahilan ang problema para alisin ang respeto sa mga namumuno. Panawagan pa niya, huwag na umano sanang maulit ang pangyayari, lalo na sa mga Minuyeño. #
