Isyu ng late class suspension sa Angeles City, sinagot ng DepEd at City Hall employees
Inulan ng pambabatikos online si Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II matapos mag-anunsyo ng suspensyon ng face-to-face classes nitong Martes, August 25, bandang 6:30 AM.
Umalma ang ilang magulang at guardian dahil nasa paaralan na umano ang kanilang mga anak nang kanselahin ang klase na karaniwang nagsisimula ng 6 AM o 7 AM. Liban sa abala, ikinabahala nila ang kaligtasan ng mga batang naipit sa masamang panahon dahil sa late announcement.
Bilang tugon, ipinaliwanag ni Schools Division Superintendent Edgard Domingo na masusing pinag-aaralan ang bawat suspensyon at hindi ito basta-basta ibinababa. Kinakailangan aniyang timbangin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, kondisyon ng mga lugar, weather forecasts, at epekto nito sa pag-aaral.
Binigyang-diin niya na hindi pare-pareho ang kondisyon ng bawat komunidad kaya hindi rin maaaring iisa ang desisyon sa lahat ng lugar.
“Hindi po madaling timbangin ang mga ganitong desisyon. Iba-iba ang aktwal na sitwasyon sa bawat lugar, at mahalagang tingnan ang kabuuang larawan bago magdesisyon,” ani Domingo.
Binanggit din ni Domingo ang posisyon ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 na dapat iwasan ang hindi kinakailangan o labis na pagpapalawig ng class suspensions upang hindi mapag-iwanan ang mga mag-aaral.
Dumepensa rin ang Schools Division of Angeles City at Association of Government Employees for a New Dynamic Angeles City (AGENDA) at sinabing hindi makatarungang husgahan si Lazatin batay isang desisyon lamang. Ayon sa grupo, bukod sa pamamahala ng suspensyon, marami pang ibang responsibilidad ang chief executive.
“Maagang dumarating si Mayor sa City Hall at gabi na kung minsan ay nandito pa rin siya, sinusubukang matapos ang mga kailangang tugunan para sa araw na iyon. Hindi po makatarungan na basta na lamang husgahan at i-bash ang isang lider na araw-araw ay nagsisikap para sa maayos na pamamahala,” pahayag ng AGENDA.
Paalala pa ng grupo, ang bawat kanselasyon ng klase ay may direktang epekto sa lokal na ekonomiya, partikular sa kita ng mga transport drivers at maliliit na negosyo na umaasa sa mga pasahero at estudyante.
Dahil dito, nanawagan ang DepEd at AGENDA ng mas responsable at patas na pang-unawa tuwing may kalamidad.
“Ang bashing ay hindi nakatutulong. Mas makabubuti kung magiging mapanuri tayo sa mga impormasyon,” ani Domingo.
Hinikayat din nila ang publiko na patuloy na sumubaybay sa mga official announcement at unawain ang mga kritikal na batayan sa likod ng bawat desisyon. #
