Umano’y personal attacks at lack of evidence sa impeachment, binatikos ni VP Sara
Pinalagan ni Vice President Sara Duterte ang diumano’y paggamit ng personal na pang-iinsulto at kawalan ng patunay sa patuloy na pagdinig sa kanyang impeachment sa Senado.

Sa isang pahayag ngayong Miyerkules, August 26, hinamon ng bise ang House prosecution panel na patunayan ang mga akusasyon batay sa matitibay na ebidensya at hindi raw sa pamamagitan ng pamumulitika o paninira lamang.

Binigyang-diin ni VP Sara ang mga insidente sa impeachment court tulad ng pagtawag ng isang senador sa witness bilang “stupid.” Gayundin din daw ang pagtukoy sa kanya ng isang abogado bilang “mastermind of a scam” at ang pagtawag na “brat” sa kanya ng isa pang witness.
Bukod dito, iginiit din ni Duterte na tila maling mga bagay raw ang inuuna ng kasalukuyang administrasyon, gayong humaharap ang bansa sa matinding baha at kahirapan.
Samantala, sa Day 19 ng impeachment trial ngayong araw, nagpaalala naman si Impeachment court presiding officer Sen. Chiz Escudero sa senator-judges at abogado na maging impartial o patas at iwasan ang pagbibigay ng unparliamentary remarks at personal attacks. #
