Accounting sa environmental fee ng water concessionaires, siniyasat sa public hearing ng Angeles City
Muling sinuri sa public hearing ng Sangguniang Panlungsod ng Angeles City nitong Lunes, March 9, ang usapin ng accounting sa environmental fee na siningil sa mga parokyano ng water concessionaires sa Syudad, partikular sa mga hindi naman nakapag-avail ng siphoning ng kanilang septic tank.
Bahagi ang inisyatiba ng patuloy na deliberasyon sa pag-amyenda ng ordinansa kaugnay ng septage management system ng lungsod.
Ayon kay City Councilor Jeselle Dayrit, mahalagang mabigyang-linaw ang accounting ng environmental fee lalo’t maraming residente ang nagbabayad nito ngunit hindi naman nakatanggap ng septic tank siphoning services.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Coun. Joan Crystal “JC” Aguas na ang accounting ng naturang environmental fee ay nasa pagitan ng water concessionaire at kanilang service provider na nagsasagawa ng desludging o siphoning services.
Matatandaang sinuspinde ang koleksyon ng environmental o septage fee sa lungsod matapos lagdaan ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang isang executive order noong July 2025 na nag-uutos sa pansamantalang pagtigil ng paniningil habang nire-review at inaamyendahan ang umiiral na mga ordinansa sa septage management.
Layon nitong mabigyan ng pagkakataon ang lokal na pamahalaan na muling pag-aralan ang polisiya matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga residente hinggil sa environmental fee at sa implementasyon ng serbisyo. #
