Viral drainage project sa Angeles City, tinakpan na; ₱90-M, inilaan sa proyekto
Tinakpan na ang bahagi ng kontrobersyal na drainage system sa Abacan Access Road, partikular sa Brgy. Pandan, Angeles City matapos mag-viral ang video ng isang netizen na kumukuwestiyon sa umano’y makitid na sukat ng kanal.
Sa pagpunta ng CLTV36 News sa lugar, naabutang nagpapatuloy ang pagsasaayos at natakpan na ang ilang bukas na bahagi nito na unang nakunan sa viral video. Gayunman, hindi pa matukoy kung bahagi lamang ito ng regular construction schedule o kung may kaugnayan sa mga puna ng publiko.
Batay sa project billboard, nagkakahalaga ito ng mahigit ₱90 million na papuntang Brgy. Anunas. Nakasaad na MCB Zamora Construction and Supplies ang contractor nito, na nagsimula ang paggawa noong June 17, 2026 at nakatakdang matapos sa February 14, 2027.
Samantala, kinumpirma ni DPWH Region 3 Director Arnold Ocampo na nasa ilalim ng Pampanga 3rd District Engineering Office (DEO) ang proyekto. Aniya, may aprubadong disenyo umano ang drainage system na may lapad na 0.4 meters o 40 centimeters. Inaprubahan din daw ito ng Angeles City Government.
Patuloy na inaalam ng CLTV36 News ang technical basis ng disenyo, drainage capacity, at lawak ng konsultasyon at pag-apruba ng LGU sa proyekto. #



