Nuclear plans ng gobyerno, tinutulan ng Nuclear-Free Bataan Movement
Mariing kinundena ng Nuclear-Free Bataan Movement (NFBM) ang isinusulong na nuclear energy roadmap ng Department of Energy, na ayon sa kanila ay maaari raw magbalik sa mga Pilipino sa panganib at pasaning pinansyal.
Sa inilabas na pahayag, iginiit ng grupo na hindi umano dapat ituring na kamangmangan ang pagtutol ng mga komunidad sa nuclear power, lalo na’t bahagi nito ang karanasan ng Pilipinas sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Ayon sa NFBM, umabot sa mahigit dalawang bilyong dolyar ang naging gastos sa BNPP, ngunit hindi naman ito kailanman nakapagpatakbo at nakapagbigay ng kuryente sa bansa.
Kinuwestiyon din ng samahan ang paraan ng pagdaraos ng konsultasyon sa mga panukalang nuclear programa. Anila, tila minamadali ang mga public hearing at maaaring hindi nabibigyan ng sapat na pagkakataon ang mga komunidad na makilahok.
Iginiit din ng NFBM ang panganib o insidenteng pwedeng malikha ng nuclear power, gaya na lamang ng mga sakunang naganap sa Three Mile Island sa Pennsylvania, Chernobyl sa Ukraine, at Fukushima sa Japan.
Bagama’t kinikilala raw ng grupo ang pagkakaroon ng bagong regulatory body na Philippine Atomic Energy Regulatory Authority o PhilATOM, sinabi nilang hindi otomatikong nawawala ang mga panganib ng nuclear disaster dahil lamang sa pagkakaroon ng isang regulatory institution.
Sa halip, nananawagan ang NFBM na ilaan ang mga resources sa renewable energy, energy efficiency at pagpapalakas ng power grid bilang alternatibo sa panukalang nuclear power. #

