₱30-K halaga ng cash at gadgets, tinangay sa isang café sa CSFP; suspek, arestado
Sapul sa CCTV ang aktwal na pagnanakaw ng isang lalaki sa isang café sa City of San Fernando, Pampanga. Naganap ang insidente madaling araw noong September 6, sa Don Ramon Village sa Barangay San Agustin.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 3:30 AM nang sirain umano ng suspek ang kandado ng harapang pinto para makapasok sa café .
Pagkapasok na pagkapasok, mabilis niyang nilimas mula sa cashier area ang isang tablet, MP3 player, cellphone, cash box at ang kita ng kapihan na mahigit sa ₱3,000.
Tinatayang nasa mahigit ₱30,000 ang kabuuang halaga ng mga tinangay ng salarin.
Bago tuluyang tumakas sa back door, nakuha pa ng suspek na maglibot sa loob ng establisyimento.
Ang malinaw na security recording ang naging susi sa imbestigasyon ng mga otoridad matapos positibong kilalanin ng isang saksi ang mukha ng suspek.
Tatlong araw matapos ang pagnanakaw, naaresto ang lalaki sa Barangay Bulaon kaugnay naman ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nagtungo naman sa himpilan ng pulisya ang complainant at witness, kung saan muli raw kinilala ng saksi ang suspek bilang taong nakita niya sa CCTV.
Isinauli naman ng salarin ang mga ninakaw na gamit mula sa café bago tuluyang isampa ang reklamong robbery sa Office of the City Prosecutor noong September 14.
Paalala ngayon ng pulisya sa mga business owner, tiyakin na maayos ang security ng mga establisyimento, lalo na sa oras na kakaunti ang tao sa paligid. #


