Giant artwork para kay Alex Eala, masisilayan sa Nueva Ecija

Hindi karaniwang billboard kundi isang buhay na obra maestra sa gitna ng bukid ang inihandog ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) nitong September 17 para sa tennis star na si Alex Eala.
Tampok ang larawan ng Pinay tennis prodigy sa isang giant rice-paddy artwork sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Ang malikhaing pagkilala ay binuo ng Community Relations Office ng PhilRice upang ipagdiwang ang mga tagumpay ng 21-year-old athlete na kasalukuyang nasa No. 18 sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.
Inaasahang mas magiging malinaw ang imahe ni Eala sa darating na Oktubre kapag nagbago na ang kulay ng mga sumisibol na palay.
Bago si Eala, una na ring itinampok ng PhilRice sa kanilang natatanging sining sa bukid sina boxing legend Manny Pacquiao at weightlifting champion Hidilyn Diaz bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa bansa.
Samantala, nakatakdang kumatawan si Eala sa Pilipinas sa gaganaping tennis event ng 2026 Asian Games. #
